Iniabot kahapon, Sabado, ika-3 ng Setyembre 2016, sa Hangzhou, Tsina, nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Barack Obama ng Amerika kay Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng United Nations (UN), ang mga dokumento ng kani-kanilang bansa ng pag-aaproba sa paglahok sa Paris Agreement hinggil sa pagbabago ng klima.
Sinabi ni Xi, na ang isyu ng pagbabago ng klima ay may kinalaman sa kinabukasan ng sangkatauhan, at ang Paris Agreement ay nagbigay ng direksyon sa pandaigdig na kooperasyon sa pagharap sa isyung ito pagkaraan ng taong 2020. Binigyang-diin ni Xi, na bilang malaking umuunlad na bansa, ang paglahok ng Tsina sa Paris Agreement ay nagpapakita ng responsibilidad nito sa aktibong pakikisangkot sa pandaigdig na pangangasiwa sa klima. Nanawagan din siya sa mga maunlad na bansa, na tupdin ang pangako hinggil sa pagkakaloob ng tulong na pondo at teknolohiya sa mga umuunlad na bansa, para palakasin ang kakayahan ng mga bansang ito sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Ipinahayag naman ni Obama, na ang pagharap sa pagbabago ng klima ay nangangailangan ng komong pagsisikap ng komunidad ng daigdig. Aniya, may katuturang pangkasaysayan ang pag-aaproba at pagtanggap ng Amerika at Tsina sa Paris Agreement, bilang pinakamalalaking ekonomiya sa daigdig at mga bansang pinakamalaki ang bolyum ng emisyon.
Hinahangaan naman ni Ban ang namumunong papel ng Tsina at Amerika sa pagharap sa hamong dulot ng pagbabago ng klima. Aniya, ang paglahok nila sa Paris Agreement ay magpapasulong sa pagkakabisa ng nasabing kasunduan sa loob ng taong ito.
Salin: Liu Kai