Nakipagtagpo Nobyembre 3, 2016, sa Beijing si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay dumadalaw na Punong Ministro Najib Tun Razak ng Malaysia. Tinukoy ni Pangulong Xi na ang pagpapalalim ng mapagkaibigang pagtutulungang pangkapitbansa ng Tsina at Malaysia ay angkop sa pundamental at pangmalayuang interes ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Malaysia, para payamanin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang panig, at palalimin ang pragmatikong pagtutulungan sa ibat-ibang larangan. Ito aniya'y angkop sa interes ng mga mamamayang Tsino at Malaysian.
Ipinahayag din ng Pangulong Tsino ang pag-asang mapapahigpit ang pag-uugnay sa estratehiyang pangkaunlaran ng Tsina at Malaysia para ibayong pang patibayin ang pundasyon ng pagtutulungang pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Punong Ministro Najib Tun Razak na bilang matalik na magkatuwang, kasalukuyang napapalalim ang pagtitiwalaang pampulitika ng Tsina at Malaysia. Nagiging masigla aniya ang pagtutulungang pandibersipikasyon batay sa balangkas ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa. Samantala, nakahanda aniya ang Malaysia na magsikap, kasama ng Tsina para pahigpitin ang pagtutulungan sa ibat-ibang larangan, batay sa balangkas ng "Belt and Road Initiative." Dagdag pa niya, nakahanda ang Malaysia na magsikap para pasulungin ang pagtutulungan sa pagitan ng Tsina at Association of South East Asian Nations (ASEAN).