Sinabi kahapon, Huwebes, ika-17 ng Nobyembre 2016, ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, bilang bansa sa labas ng South China Sea, hindi dapat sirain ng Hapon ang pagsisikap ng mga bansa sa loob ng karagatang ito, para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea.
Winika ito ni Geng bilang tugon sa ulat kamakailan ng Asahi Shimbun ng Hapon.
Ayon sa naturang Japanese media, pagkaraan ng ASEAN Defense Ministers' Meeting, sinabi sa mga mamamahayag ni Tomomi Inada, Ministro ng Depensa ng Hapon, na ipinalalagay ng mga ministro ng depensa ng ASEAN, na ang mga pangyayaring naganap sa South China Sea ay maaaring maganap sa East China Sea, at ang mga pangyayaring naganap sa East China Sea ay maaari namang maganap sa South China Sea. Aniya pa, para sa Hapon, ang pagtatanggol sa South China Sea ay may kaugnayan sa pagtatanggol sa East China Sea.
Kaugnay nito, sinabi ni Geng, na mas magandang ipahayag ng mga bansang ASEAN mismo ang kanilang paninindigan sa isyu ng South China Sea at kasalukuyang kalagayan sa karagatang ito. Ang Hapon aniya ay hindi tagapagsalita ng mga bansang ASEAN.
Ipinahayag din ni Geng, na sa magkakasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansang ASEAN, umuunlad ngayon sa positibong direksyon ang kalagayan sa South China Sea, at bumalik na sa tumpak na landas ang isyu hinggil sa karagatang ito.
Salin: Liu Kai