Ipinahayag kahapon, Hulyo 12, 2016, ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na umaasa siyang pagsisisihan ng Hapon ang mga aksyon ng panggugulo sa isyu ng South China Sea (SCS), at ititigil ang pakiki-alam at paghahaka-haka sa isyung ito, para pangalagaan ang relasyong Sino-Hapones at katatagan at kapayapaan ng rehiyong ito.
Nang araw ring iyon, ipinahayag ni Fumio Kishida, Ministrong Panlabas ng Hapon, na batay sa mga tadhana ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang nasabing hatol ay pinal na resolusyon at mayroong binding force sa Tsina at Pilipinas. Kaya aniya, dapat sundin ng dalawang bansa ang nasabing hatol.
Kaugnay nito, sinabi ni Lu na ang pagbuo ng Arbitral Tribunal (AT) ay may bahid-pulitika at kulang sa batayang legal. Kaya ang paglilitis ng AT sa arbitrasyon ng SCS ay pagmamalabis sa kapangyarihan. Inulit ni Lu na maraming beses nang ipinaliwanag ng pamahalaang Tsino ang paninindigan sa "di-pagtanggap, di-paglahok, at di-pagkilala" sa nasabing proseso.
Ang pagbalik ng mga isla at reef sa South China Sea sa teritoryo ng Tsina pagkatapos ng World War II (WWII) ay itinakda ng Potsdam Proclamation at Cairo Declaration, ani Lu. Sinabi pa niyang ipinangako ng Hapon na susundin ang mga tadhana ng Potsdam Proclamation.
Bukod dito, ipinahayag ni Lu na dapat sundin ng Hapon ang kaayusang pandaigdig pagkatapos ng WWII.