Bilang tugon sa ulat ng isang think-tank ng Amerika, na nagsasabing isinasagawa ng Biyetnam ang konstruksyon ng pagpapahaba ng runway ng paliparan sa Nanwei Island, isang isla ng Nansha Islands ng Tsina, sinabi kahapon, Biyernes, ika-18 ng Nobyembre 2016, ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na dapat agarang itigil ng panig Biyetnames ang naturang ilegal na aksyon, at iurong ang lahat ng mga tauhan at pasilidad mula sa naturang isla.
Sinabi rin ni Geng, na may di-matututulang soberanya ang Tsina sa Nansha Islands at nakapaligid na karagatan. Aniya, buong tatag na tinututulan ng Tsina ang pagsakop ng mga may kinalamang bansa sa ilang isla sa Nansha Islands, at pagtatayo ng mga pasilidad sa mga islang ito.
Dagdag pa ni Geng, hinihiling ng Tsina sa Biyetnam, na sundin ang mga bilateral at rehiyonal na komong palagay, at hindi isagawa ang anumang aksyong magpapasalimuot ng kalagayan. Ito aniya ay para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa Nansha Islands at South China Sea.
Salin: Liu Kai