Lima — Nakausap nitong Sabado ng hapon, Nobyembre 19, 2016 (local time), ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kanyang American counterpart na si Barack Obama. Ipinahayag ni Pangulong Xi ang lubos na papuri sa ginagawang positibong pagsisikap ni Pangulong Obama sa pagpapaunlad ng relasyong Sino-Amerikano.
Sapul ng pagtatagpo ng dalawang lider sa Hangzhou noong nagdaang Setyembre, patuloy at matatag na umuunlad ang relasyong Sino-Amerikano. Madalas ang pagpapalagayan ng mataas na antas at iba't-ibang antas ng dalawang panig. Natamo rin ng kanilang kooperasyon ang mga bagong progreso sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, dalawang hukbo, pagpapatupad ng batas, at kultura. Bukod dito, napapanatili nila ang mahigpit na pagsasanggunian at pagkokoordinahan sa mga mahahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig na tulad ng pagbabago ng klima, isyung nuklear ng Korean Peninsula, at iba pa.
Ani Xi, sa kasalukuyan, nasa masusing panahon ang relasyong Sino-Amerikano. Umaasa aniya siyang magkasamang magsisikap ang dalawang panig upang maigarantiya ang maalwang transisyon ng relasyong ito. Bilang mahalagang miyembro ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), nakahanda ang panig Tsino na palakasin ang pakikipagkoordina sa panig Amerikano para mapasulong, kasama ng iba't-ibang panig, ang pagtatamo ng tagumpay ng APEC Summit sa Peru.
Ipinahayag naman ng Pangulong Amerikano na ang isang konstruktibong relasyong Amerikano-Sino ay makakabuti hindi lamang sa mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi sa buong mundo.
Salin: Li Feng