Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo nitong Biyernes, Disyembre 2, 2016, kay Henry Kissinger, dumadalaw na dating Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kanyang paghanga sa ibinibigay na positibong ambag ni Kissinger sa pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano sa mahabang panahon. Tinukoy niyang ang sustenable, malusog, at matatag na pag-unlad ng relasyong ito ay hindi lamang umaangkop sa pundamental na kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi nakakabuti pa sa kapayapaan, katatagan, at kasaganaang panrehiyon at pandaigdig. Nakahanda aniya ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Amerikano, upang maigarantiya ang matatag na transisyon ng relasyong Sino-Amerikano at mapasulong pa ang relasyong ito.
Ipinahayag naman ni Kissinger na ang relasyong Amerikano-Sino ay napakahalaga para sa dalawang bansa at buong mundo. Nananalig aniya siyang ang pagpapasulong ng sustenable, matatag, at mainam na pag-unlad ay magiging hangarin din ng bagong pamahalaang Amerikano. "Handa akong patuloy na gumanap ng positibong papel para mapalalim ang pag-uunawaan at mapasulong ang pagpapalitan at pagtutulungang Amerikano-Sino," aniya pa.
Salin: Li Feng