Sa preskong idinaos kahapon, Miyerkules, ika-23 ng Nobyembre 2016, sa Washington D.C., pagkaraan ng Ika-27 China-U.S. Joint Commission on Commerce and Trade, ipinahayag ni Zhang Xiangchen, mataas na opisyal ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na patuloy na makikinabang ang mga mamamayan at bahay-kalakal ng Tsina at Amerika sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.
Ipinalalagay ni Zhang, na hindi magbabago ang komong interes ng Tsina at Amerika, malaking pagkokomplemento ng kabuhayan ng dalawang bansa, at hangarin ng mga sirkulo ng industriya at komersyo ng dalawang bansa para sa mas malalim na kooperasyon, dahil sa pagbabago ng administrasyon ng Amerika.
Dagdag pa niya, sa kasalukuyan, buong sikap na pinapasulong ng Tsina at Amerika ang talastasan hinggil sa kasunduan sa bilateral na pamumuhunan, at maayos na hinahawakan ang mga alitan sa kalakalan, para ibayo pang pasulungin ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai