NANINDIGAN ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na mali ang ginawang pagtatanggol ni Pangulong Duterte sa mga pulis na sangkot sa pagkakapaslang kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. at isa pang bilanggo sa loob mismo ng piitan.
Sa isang pahayag, sinabi ng BAYAN na ang sinabi ng pangulong 'di niya papayagang mabilanggo ang mga pulis ang nagpapalakas ng loob ng mga autoridad na 'di sila maparurusahan sa kanilang gagawing labag sa batas.
Nakababahala ang pahayag niyang pinaniniwalaan niya ang mga pulis kaysa sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation. Isa umano itong paglabag sa batas.
Ikinalungkot nilang kahit kitang-kita ang paglabag sa batas ng mga pulis ay pinanigan pa ng pangulo. Hindi lamang mga pulis ng CIDG Region 8 ang lalakas ang loob kungdi ang lahat ng mga pulis na sangkot sa pakikidigma sa droga.
Lumalabas lamang na lisensyado ang mga pulis na pumatay at lumabag sa batas basta't kasama sa kampanya laban sa droga.