Ayon sa ulat na inilabas Miyerkules, ika-14 ng Disyembre, 2016, ng Center for Strategic and International Studies (CSIS) ng Amerika, idineploy ng Tsina ang sistema ng sandata sa 7 pulo at batuhan sa South China Sea, at pinagdudahan nitong isinasagawa ng Tsina ang militarisasyon sa nasabing karagatan. Kaugnay nito, sinabi Huwebes ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang pagdedeploy ng Tsina ng instalasyong pandepensa sa sariling teritoryo ay normal na karapatan ng isang soberanong bansa, at walang kaugnayan ito sa militarisasyon.
Binigyang-diin ni Geng na nagpupunyagi ang panig Tsino, kasama ng iba't ibang bansa ng ASEAN ang magkasamang pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon ng South China Sea. Kamakailan, unti-unting naging matatag ang kalagayan ng South China Sea, at umuunlad ito tungo sa positibong direksyon. Umaasa aniya siyang igagalang ng mga kinauukulang bansa ang pagsisikap ng mga bansa sa rehiyong ito para sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at gagawa ng mas maraming bagay na makakatulong sa pagpapasulong sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon ng South China Sea.
Salin: Vera