SIEM REAP — Sa kanyang pagdalo sa Ika-2 Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC), kinatagpo nitong Biyernes, Disyembre 23, 2016, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang kanyang counterpart na si Kyaw Tin mula Myanmar.
Ipinahayag ni Wang na pagkaraang baguhin ang pamahalaan ng Myanmar sa taong kasalukuyan, naisakatuparan ang matatag at maalwang transisyon ng relasyon ng dalawang bansa. Lubos aniyang pinapurihan ng panig Tsino ang pagsasagawa ng bagong pamahalaan ng Myanmar ng positibo at mapagkaibigang patakaran sa Tsina. Iginagalang ng Tsina ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng Myanmar, at nakahanda itong patuloy na patingkarin ang konstruktibong papel sa prosesong pangkapayapaan ng Myanmar, dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ni Kyaw Tin ang kahandaan ng Myanmar na ibayo pang pahigpitin ang pakikipagpalitan sa Tsina, palakasin ang pagkakaibigan ng mga mamamayan, at palalimin ang pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa upang makinabang dito ang mas maraming karaniwang mamamayan ng Myanmar. Hinahangaan din aniya ng Myanmar ang ibinibigay na konstruktibong papel ng Tsina sa prosesong pangkapayapaan ng bansa.
Salin: Li Feng