Pormal na sinimulan ngayong araw, Linggo, ika-25 ng Disyembre 2016, ang konstruksyon ng China-Laos Railway, isang proyekto sa ilalim ng kooperasyon ng dalawang bansa.
Sa seremonya ng pagsisimula ng konstruksyon na idinaos nang araw ring iyon sa Luang Prabang, lunsod sa gitnang bahagi ng Laos, sinabi ni Bounchanh Sinthavong, Minister of Public Works and Transport ng bansang ito, na ang konstruksyon ng naturang daambakal ay magdudulot ng mga benepisyo sa mga mamamayang Lao, sa mga aspektong gaya ng pagpapaginhawa at pagbabawas ng gugulin ng transportasyon, pagpapaunlad ng agrikultura at industriya, at iba pa. Ito rin aniya ay makakatulong sa kooperasyon ng Laos at Tsina sa turismo, kalakalan, pamumuhunan at iba pa, at sa kooperasyong pangkabuhayan sa ilalim ng China-ASEAN Free Trade Area.
Mahigit 414 na kilometro ang kabuuang haba ng China-Laos Railway. Pag-uugnayin nito ang Mohan, bayan ng Tsina na malapit sa hilagang hanggahan ng Laos, at Vientiane, kabisera ng bansang ito. Nakatakdang tatagal ng 5 taon ang konstruksyon ng nasabing daambakal. Halos 40 bilyong yuan RMB ang pamumuhunan sa proyekto. 70% nito ay galing sa panig Tsino, at 30% naman ay galing sa panig Lao.
Salin: Liu Kai