Ayon sa ulat ngayong araw, Linggo, ika-25 ng Disyembre 2016, ng Myanmar media, kasunod ng pagpapanumbalik ng katatagan sa Shan State sa hilagang bahagi ng bansang ito, mahigit 10 libong inilikas na residente ang bumalik na sa Mongko, isang nayon sa Muse District ng naturang estado.
Noong unang dako ng buwang ito, muling nabawi ng tropang pamahalaan ng Myanmar ang Mongko, pagkaraan ng dalawang linggong pakikibaka sa mga armadong grupo ng Kachin Independence Army, Ta'ang National Liberation Army, at Kokang's Myanmar National Democratic Alliance Army. Hindi pa nilagdaan ng naturang 3 armadong grupo ang kasunduan ng tigil-putukan sa pamahalaan ng Myanmar.
Salin: Liu Kai