Ipinahayag kahapon, Sabado, ika-24 ng Disyembre 2016, ng League of the Arab States (LAS), ang pagtanggap sa pagpapatibay kamakalawa ng United Nations Security Council ng resolusyong nagsasabing labag sa pandaigdig na batas ang konstruksyon ng Israel ng mga purok-panirahan sa sinasakop na lupain ng Palestina, at humihiling sa Israel na itigil ang aksyong ito.
Sinabi ni Pangkalahatang Kalihim Ahmed Abul-Gheit ng LAS, na ito ay isang mahalagang resolusyon hinggil sa isyu ng Palestina at Israel. Dahil aniya, ipinakikita nito ang pagkatig ng komunidad ng daigdig sa mga mamamayang Palestino sa pagtatangol sa sariling lehitimong karapatan.
Samantala, muling pinuna kahapon ni Punong Ministro Benjamin Netanyahu ng Israel ang pagpapatibay ng UNSC sa naturang resolusyon, at sinabi niyang ito ay hinding hindi tatanggapin ng Israel. Dagdag niya, dahil sa naturang resolusyon, muling tatasahan, sa loob ng darating na isang buwan, ng Israel ang relasyon nito sa United Nations.
Salin: Liu Kai