Lalawigan ng Albay, nangangailangan ng mga yero at iba pang kagamitan
NANAWAGAN si Governor Al Francis Bichara ng Albay sa ngalan ng mga biktima ng bagyong "Nina" na tumulong sa pamamagitan ng mga pako at yerong kailangan upang maibalik sa maayos ang mga tahanan sa pinakamadaling panahon.
Sa isang panayam, sinabi ni Governor Bichara na binabalak din nilang bumili ng lupaing mapaglilipatan ng mga naninirahan sa tabing-dagat at pangpang ng mga ilog upang matuldukan na ang paglilikas at pagbibigay ng kaukulang tulong sa oras ng kalamidad.
Balak ni Governor Bichara na bumili ng lupain sa mga pook na malapit sa bayan kahit sa walang madaraanan sapagkat sila na sa pamahalaang panglalawigan ang magtatayo ng mga lansangan upang manatiling malapit sa hanapbuhay ang mga ililikas.
Tuloy pa rin ang kanilang pagsasagawa ng survey upang mabatid ang tunay na datos ng mga nasalanta ng malakas na bagyo. Apektado ang mga bayan sa unang distrito ng Albay sapagkat katabi lamang ng Sangay, Camarines Sur sa bayan ng Tiwi samantalang tinamaan din ang mga bayan sa ikatlong distrito ng lalawigan sapagkat ang Libon, Polangui, Oas at Ligao ay malapit lamang sa Balatan, Camarines Sur na dinaanan din ng bagyo.
Sapat pa naman ang kanilang pagkain para sa mga evacuees, dagdag pa ni G. Bichara. May ugnayan na sila sa National Food Authority at doon sila kumukuha ng bigas para sa mga biktima.
1 2 3 4 5