Kahapon, Miyerkules, ika-28 ng Disyembre 2016, ay unang anibersaryo ng paglalagda ng mga pamahalaan ng Timog Korea at Hapon sa "pinal na kasunduan" hinggil sa isyu ng comfort women. Pero nang araw ring iyon, idinaos sa Seoul, Busan, at ilang iba pang lugar ng T.Korea ang mga demonstrasyon bilang protesta sa naturang kasunduan. Hinihiling din ng mga mamamayang T.Koreano sa pamahalaan, na pawalang-bisa ang kasunduang ito.
Ayon sa media ng T.Korea, ang nilalaman ng naturang kasunduan at mga pahayag ng pamahalaan ni Punong Ministro Shinzo Abe pagkaraang lagdaan ang kasunduan ay mga pangunahing bagay na nagresulta sa pagtutol ng mga mamamayang T.Koreano. Sa kasunduang ito, hindi nabanggit ng Hapon ang pormal na paghingi ng paumanhin, o pagbibigay ng komprensasyon alinsunod sa batas. Pagkaraang lagdaan ang kasunduan, sinabi naman ng pamahalaang Hapones na walang katibayan hinggil sa mga sapilitang aksyon sa mga comfort women, at ang mga comfort women ay hindi sex slave. Hiniling din nito sa T.Korea na pabilisin ang pag-aalis ng istatuwa ng comfort woman sa harapan ng embahada ng Hapon sa T.Korea.
Nang kapanayamin ng media ng T.Korea, sinabi naman ni Yoshiaki Yoshimi, kilalang dalubhasa sa isyu ng comfort women ng Chuo University ng Hapon, na padaskul-daskol at labis na nagparaya ang pamahalaan ng T.Korea sa pagkakaroon ng naturang kasunduan, na halos walang bunga.
Salin: Liu Kai