Sa ulat na ipinalabas kahapon, Lunes, ika-7 ng Marso 2016, sa Geneva, pinuna ng United Nations Committee on the Elimination of Discrimination against Women, ang paninindigan ng Hapon sa isyu ng "comfort women."
Sinabi ng naturang komite, na dumarami ang pananalita ng pamahalaan ng Hapon, para talikuran ang responsibilidad nito sa isyu ng "comfort women." Anito, noong isang taon, nagkaroon ng kasunduan ang Hapon at Timog Korea, kung saan ipinahayag ng Hapon ang umano'y pinal at permanenteng paglutas sa naturang isyu. Kaugnay nito, sinabi ng komite na hindi kumpleto ang kasunduan, at hindi isinaalang-alang dito ang damdamin ng mga nabiktimang "comfort women."
Dagdag ng komite, hanggang sa kasalukuyan, hindi binabanggit ng Hapon ang responsibilidad, batay sa International Human Rights Law, sa mga nabiktimang "comfort women" mula sa mga iba pang bansa na gaya ng Tsina. Sinasadya ring tanggalin ng pamahalaan ng Hapon ang nilalaman ng mga libro hinggil sa isyu ng "comfort women."
Hinimok ng komite ang Hapon na iwasto ang paninindigan sa isyu ng "comfort women," sa mga aspektong kinabibilangan ng pagtigil sa pagpapalabas ng mga di-responsableng pananalita, opisyal na paghingi ng paumanhin, paglagay ng isyung ito sa teksbuk, at iba pa.
Salin: Liu Kai