Kinondena kahapon, Huwebes, ika-29 ng Disyembre 2016, ni Dmitri Peskov, Russian Presidential Press Secretary, ang pagpapataw nang araw ring iyon ng Amerika ng bagong sangsyon laban sa Rusya.
Ipinahayag ni Peskov, na di-inaasahan ang naturang sangsyon ng Amerika, at ito ay indikasyon ng agresibong patakarang panlabas ng Amerika. Dagdag aniya, lubos itong makakapinsala sa relasyong Ruso-Amerikano, at magdudulot ng negatibong epekto sa patakarang panlabas ni bagong halal na Pangulong Donald Trump.
Nang araw ring iyon, ipinatalastas ni Pangulong Barack Obama ng Amerika ang bagong sangsyon laban sa Rusya, dahil sa pinaghihinalaang pagkakasangkot ng Rusya sa pakikialam sa halalang pampanguluhan ng Amerika, sa pamamagitan ng cyber attack. Pinalayas din ng Amerika ang 35 diplomatang Ruso.
Salin: Liu Kai