|
||||||||
|
||
MAGANDA ANG BUSINESS CLIMATE. Sinabi ni G. George Barcelon, pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry na tama ang tinatahak na direksyon ng Duterte Administration. Nakita ito sa interes ng mga Tsino at Hapones na mangangalakal. (Melo M. Acuna)
MAGANDA ang kinabukasan ng Pilipinas sa larangan ng kalakal sa mga ginawa ng pamahalaan sa unang anim na buwan ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang pahayag ni G. George Barcelon, pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido kaninang umaga.
Nakita ito sa interes ng mga nangungunang bansang dinalaw ni G. Duterte noong nakalipas na Oktubre tulad ng ginawa niya sa Tsina at sa Japan. Magugunitang dumalaw na rin siya sa iba't ibang bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations lalo pa't namumuno na ang bansa sa pang-rehiyong samahan.
Maliwanag ang mensahe ng Duterte Administration: Handang-handa ang Pilipinas na makipagkalakal sa daigdig.
Maraming kailangan upang maging madali ang kalakal sa bansa, dagdag pa ni G. Barcelon at ito ay ang pagkakaroon ng maayos na infrastructure na katatampukan ng mga lansangan, daungan, paliparan, daang-bakal at maging maasahan at mas murang supply ng kuryente. Kailangan ding magkaroon ng mas mabilis na internet connectivity sapagkat ito ang hinahanap ng mga turista mula sa iba't ibang bansa.
Maraming mga mangangalakal na Tsino at Hapones ang nagpahayag ng interes na magkalakal sa Pilipinas. Kasama na rito ang pamahalaang Tsino at Hapones.
Ang kailangan, ayon kay G. Barcelon ay magkaroon ng paghahanda ang mga posibleng maging manggagawa sa larangan ng manufacturing sector tulad ng programa ng Philippine Chamber of Commerce and Industry na magkaroon ng pagsusuri ang iba't ibang kasaping samahan ng mga mangangalakal sa buong bansa upang mabatid ang kakayahan ng mga kabataan sa kanilang nasasakupan.
Nakatakda ring magkaroon ng road show ang Philippine Export Zone Authority sa ilalim ni Chairperson Rosario "Charito" Plaza sa Saudi Arabia, Qatar at United Arab Emirates sa ikatlo o ika-apat na linggo ng Enero. Ipakikilala ng PEZA ang bansa bilang isang magandang pook na paglalagakan ng kalakal, sapat na mga produktong may kalidad at may kakayahang mga manggagawa.
Masusundan ito ng state visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Pebrero. Bagaman, wala pang binabanggit ang Malacanang at ang Department of Foreign Affairs.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |