Ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-6 ng Enero 2017, ni Staffan de Mistura, Espesyal na Sugo ng United Nations sa Syria, na ang talastasan hinggil sa isyu ng Syria, na idaraos sa Astana, Kazakhstan, sa ilalim ng medyasyon ng Rusya at Turkey, ay magiging pagkakataon para sa pulitikal na paglutas sa naturang isyu.
Umaasa rin si de Mistura, na maidaraos ang talastasang ito sa nakatakdang petsa na ika-23 ng buwang ito, at makakalahok dito ang mga kinatawan ng pamahalaan ng Syria, mga paksyong oposisyon ng bansang ito, at iba pang may kinalamang panig. Ito aniya ay maghahawan ng landas para sa talastasan hinggil sa isyu ng Syria, na nakatakdang idaos sa ika-8 ng susunod na buwan sa Geneva, sa ilalim ng pagtataguyod ng UN.
Nang araw ring iyon, pagkaraan ng kanyang pakikipagtagpo sa Geneva kay de Mistura, ipinahayag naman ni Xie Xiaoyan, Espesyal na Sugo ng Pamahalaang Tsino sa isyu ng Syria, ang pagtanggap ng panig Tsino sa nakatakdang pagdaraos ng nabanggit na talastasan sa Astana. Umaasa rin aniya ang panig Tsino na matatamo ng talastasan ang positibong bunga.
Salin: Liu Kai