Ipinahayag kahapon, Miyerkules, ika-11 ng Enero 2017, sa Beijing, ni Pangalawang Ministrong Panlabas Liu Zhenmin ng Tsina, na sa kasalukuyan, nasa napakahalagang yugto ang pagsasanggunian hinggil sa South China Sea Code of Conduct (COC). Aniya, sa darating na ilang buwan, patuloy na magsisikap ang Tsina sa usaping ito, para gawin ang panukalang balangkas ng COC, sa unang hati ng taong ito, alinsunod sa nakatakdang iskedyul.
Sinabi rin ni Liu, na ang paggawa ng naturang balangkas ay isa lamang hakbang sa pagsasanggunian hinggil sa COC, at mas mabigat ang mga susunod na gawain. May kompiyansa aniya ang Tsina sa magandang pagpapatupad, kasama ng mga bansang ASEAN, ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea, at igarantiya ang kalayaan sa paglalayag at paglipad sa karagatan, alinsunod sa pandaigdig na batas. Maisasakatuparan ang target na maging karagatan ng kapayapaan at pagtutulungan ang South China Sea, dagdag pa ni Liu.
Salin: Liu Kai