Sa kanyang talumpati sa Ika-19 na Summit ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na idinaos kahapon, Miyerkules, ika-7 ng Setyembre 2016, sa Vientiane, Laos, inilahad ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang paninindigan ng kanyang bansa sa isyu ng South China Sea.
Ipinahayag ni Li, na sa pamamagitan ng magkakasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansang ASEAN, tumutungo ngayon ang kalagayan sa South China Sea sa positibong direksyon, at magkakasamang pinapangalagaan ng Tsina at mga bansang ASEAN ang kapayapaan at katatagan ng karagatang ito. Aniya, ipinakikita nito ang kahalagahan ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), lalung-lalo na ng prinsipyo sa deklarasyong ito hinggil sa mapayapang paglutas sa hidwaan sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian ng mga may direktang kinalamang bansa.
Sinabi rin niyang, batay sa DOC, pinapasulong ngayon ng Tsina at mga bansang ASEAN ang pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct in the South China Sea (COC). Ito aniya ay naglalayong maayos na hawakan ang isyu ng South China Sea, at kontrolin ang pagkakaiba, lutasin ang kontradiksyon, at pasulungin ang kooperasyon, bago lutasin ang hidwaan. Dagdag pa niya, pagtitibayin sa summit na ito ang dokumento ng mga pumapatnubay na prinsipyo hinggil sa hotline ng mga diplomata ng Tsina at mga bansang ASEAN para sa pagharap sa pangkagipitang pangyayari sa dagat, at magkasanib na pahayag ng Tsina at mga bansang ASEAN hinggil sa paggamit ng Code for Unplanned Encounters at Sea sa South China Sea. Ang dalawang dokumentong ito aniya ay mahalaga para palakasin ang pagtitiwalaan, bawasan ang panganib sa dagat, at pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Positibo naman ang mga kalahok na lider ng mga bansang ASEAN sa pagsisikap ng Tsina para sa pagsasanggunian hinggil sa COC, at ipinahayag nila ang pagtanggap sa pagpapatibay ng nabanggit na dalawang dokumento. Ipinahayag din nila ang kahandaang ipatupad ang DOC, igiit ang prinsipyo hinggil sa mapayapang paglutas sa hidwaan sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian, at iwasan ang epekto sa pangkalahatang kalagayan ng pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN.
Salin: Liu Kai