Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo nitong Huwebes, Enero 12, 2017, kay Nguyen Phu Trong, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam (CPV), sinabi ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulo ng bansa, na ang biyahe ni Nguyen Phu Trong sa Tsina ay nagpakita ng mataas na pagpapahalaga ng komite sentral ng CPV sa relasyon ng dalawang partido at bansa. Aniya, sa ilalim ng magkasamang pagsisikap, sustenable, malusog at matatag na umuunlad ang komprehensibo at estratehikong partnership ng Tsina at Biyetnam, tumitibay nang tumitibay ang tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa, walang humpay na lumalalim ang pagtitiwalaang pulitikal, at mabunga ang pragmatikong kooperasyong Sino-Biyetnames. Ikinasisiya aniya ng Tsina ang mainam na tunguhin ng pag-unlad ng relasyong ito.
Iniharap din ni Xi ang pitong mungkahi upang lalo pang pasulungin ang relasyong Sino-Biyetnames, una, palakasin ang pamumuno ng mga mataas na lider, at pahigpitin ang pagtitiwalaang pulitikal; ikalawa, palalimin ang kooperasyon ng dalawang partido, at pasulungin ang pagpapalitan; ikatlo, palalimin ang pragmatikong kooperasyon, at pabilisin ang estratehikong pag-uugnayan; ikaapat, palawakin ang pagpapalagayan ng dalawang hukbo, at palalimin ang kooperasyong panseguridad; ikalima, pasiglahin ang pagpapalitang di-pampamahalaan, at patibayin ang pundasyon ng mithiin ng mga mamamayan; ikaanim, maayos na hawakan at kontrolin ang pagkakaiba, at pasulungin ang kooperasyon sa dagat; ikapito, palakasin ang pagkokoordinahang pandaigdig, at pangalagaan ang komong kapakanan.
Ipinahayag naman ni Nguyen Phu Trong ang pagsang-ayon sa nasabing mga mungkahi ni Xi. Aniya, ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Biyetnames ay may napakahalagang katuturan para sa usaping sosyalista ng dalawang bansa. Ito rin aniya ay angkop sa pundamental na kapakanan ng dalawang partido at bansa, at kanilang mga mamamayan. Nakahanda ang Biyetnam na magsikap kasama ng Tsina upang mapalalim ang kanilang estratehikong pagkokoordinahan at mapalakas ang pagtitiwalaang pulitikal, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng