Nagtalumpati kahapon, Miyerkules, ika-18 ng Enero 2017, sa United Nations Office at Geneva, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kung saan inulit niya ang ideya hinggil sa pagtatatag ng komunidad ng komong kinabukasan para sa sangkatauhan.
Tinukoy ni Xi, na pinaninindigan ng Tsina ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay sa kaayusang pandaigdig. Aniya, dapat pasulungin ang demokrasya sa relasyong pandaigdig, at tanggihan ang paghahari ng isa o iilang bansa lamang. Dagdag niya, dapat makisangkot ang lahat ng mga bansa sa paglikha ng kinabukasan ng daigdig, pagbuo ng mga tuntuning pandaigdig, pangangasiwa sa mga suliraning pandaigidg, at pagbabahagi ng mga bungang dulot ng pag-unlad.
Iminungkahi rin ni Xi, na magsikap ang komunidad ng daigdig, para itatag ang daigdig na may pangmatagalang kapayapaan, panlahat na seguridad, komong kasaganaan, pagbubukas, inclusiveness, at malinis at magandang kapaligiran.
Kaugnay naman ng patakaran ng Tsina, nilinaw ni Xi, na hindi magbabago ang determinasyon ng kanyang bansa, sa pangangalaga sa kapayapaan ng daigdig, pagpapasulong ng komong kaunlaran, pagtatatag ng partnership sa iba't ibang bansa, at pagkatig sa multilateralismo. Dagdag pa niya, patuloy na pangangalagaan at pasusulungin ng Tsina ang nukleong papel ng United Nations sa mga suliraning pandaigdig.
Salin: Liu Kai