Nilagdaan kahapon, Lunes, ika-23 ng Enero 2017, ni Pangulong Donald Trump ng Amerika ang executive order hinggil sa pormal na pag-urong ng bansang ito sa Trans-Pacific Partnership (TPP).
Ayon naman kay Sean Spicer, Tagapagsalita ng White House, ang paglagda sa naturang executive order ay palatandaang pumasok sa bagong panahon ang patakarang pangkalakalan ng Amerika. Sa hinaharap aniya, gagalugarin ng pamahalaan ni Trump ang pagkakataon sa bilateral na kalakalan sa mga kaalyado ng Amerika at iba pang bansa.
Noong panahon ng pangangampanya, maraming beses na sinabi ni Trump na sisirain ng TPP ang sektor ng manupaktura ng Amerika. Ipinangako rin niyang pagkaraang umakyat sa poder, hindi lalagdaan ng Amerika ang mga rehiyonal na kasunduan sa kalakalan, at sa halip, bibigyang-priyoridad ang talastasan sa bilateral na kasunduan sa kalakalan.
Salin: Liu Kai