SINABI ni Chief Supt. Eric Serafin Reyes, Deputy Director ng Directorate for Investigation and Detective Management na ginagawa nila ang lahat upang mabatid ang buong larawan ng krimeng naganap noong nakalipas na Oktubre sa loob mismo ng Campo Crame.
Si Chief Supt. Reyes ang siyang kinatawan ni PNP Director General Ronald dela Rosa sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido kanina. Ani CSupt. Reyes, patuloy ang imbestigasyon bagama't may mga ipinagsumbong na sa Department of Justice.
Nakalulungkot umanong sa loob pa ng Campo Crame naganap ang pagpaslang. Bagaman, tiniyak niyang may built-in guarantees ang Philippine National Police upang mapanagot ang mga nagkakasalang tauhan sa pamamagitan ng kanilang Internal Affairs Service at iba pang tanggapan tulad ng People's Law Enforcement Board na kumikilos din sa mga paglabag sa batas ng kanilang mga tauhan.
Idinagdag pa ni G. Reyes na mula noong Papal Visit sa buwan ng Enero 2015, nasundan ito ng pagbaba sanhi ng Mamasapano massacre na ikinasawi ng 44 na tauhan ng Special Action Force, nakabawi ang popularidad ng pulisya sa idinaos na APEC Leaders' Summit Meeting noong Nobyembre, hanggang sa maayos na halalan noong Mayo ng 2016 at naging kontrobersyal na naman sa pagkakaroon ng deaths under investigation dulot ng kampanya laban sa illegal drugs ni Pangulong Duterte mula noong Hulyo ng 2016 at nasundan pa ng pagpaslang sa Koreanong negosyante sa loob ng Campo Crame.
Ipinaliwanag pa ni CSupt. Reyes na may 170,000 tauhan ang Philippine National Police na kinabibilangan din ng may 11,000 non-uniformed personnel. Umabot na sa 1,388 mga tauhan ang sinisiyasat ng Internal Affairs Service samantalang may 1,121 ang sumailalim ng pagdidisiplina ng kanilang tanggapan.