Hinimok kahapon, Biyernes, ika-3 ng Pebrero 2017, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang Amerika na itigil ang maling pananalita sa isyung may kinalaman sa soberanya ng Diaoyu Islands.
Winika ito ni Lu, kaugnay ng ulat ng Japanese media na nagsasabing sa kanyang pagdalaw kamakailan sa Hapon, inulit ni James Mattis, Kalihim ng Depensa ng Amerika, na ang Treaty of Mutual Cooperation and Security ng Amerika at Hapon ay magagamit sa Diaoyu Islands.
Bilang tugon, sinabi ni Lu, na ang Diaoyu Islands at mga isla sa paligid nito ay likas na teritoryo ng Tsina sapul noong sinaunang panahon. Ito aniya ay katotohanang pangkasaysayan na hindi dapat pilipitin. Dagdag pa ni Lu, ang Treaty of Mutual Cooperation and Security ng Amerika at Hapon ay produkto ng Cold War. Sinabi niyang ito ay hindi dapat makapinsala sa soberanya sa teritoryo at mga lehitimong karapatan ng Tsina.
Salin: Liu Kai