Ayon sa estadistikang ipinalabas ngayong araw, Huwebes, ika-9 ng Pebrero 2017, ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, noong isang taon, mahigit 170 bilyong dolyares ang non-financial investment ng Tsina sa labas ng bansa. Ang bilang na ito ay lumaki ng 44.1% kumpara sa noong 2015.
Sinabi ni Sun Jiwen, Tagapagsalita ng naturang ministri, na patuloy na kakatigan ng kanyang ministri ang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa ibang bansa, at igagarantiyang ang mga pamumuhunan ay angkop sa mga batas at regulasyon ng mga bansang tatanggap ng pamumuhunan. Umaasa rin aniya siyang lalabanan ng iba't ibang bansa ang proteksyonismo, at pasusulungin ang madaling proseso ng pamumuhunan. Ito aniya ay para palakasin ang pagbangon ng kabuhayang pandaigdig, at isakatuparan ang komong kaunlaran.
Kaugnay naman ng mga proyekto ng pamumuhunan sa ilalim ng "Belt and Road" Initiative, sinabi ni Sun, na bagama't malaki ang laang-gugulin sa mga proyektong ito, mahaba ang panahon ng konstruksyon, at mabagal ang pagkuha ng pakinabang, pangmalayuan ang katuturan ng mga ito sa pagpapataas ng lebel ng rehiyonal na infrastructure interconnectivity, at pagdudulot ng benepisyo sa mga mamamayan ng iba't ibang bansa. Ani Sun, patuloy na pasusulungin ng Tsina ang mga proyekto ng naturang initiative, at palalalimin, kasama ng mga may kinalamang bansa, ang kooperasyon sa pamumuhunan, para patingkarin sa lalong madaling panahon ang papel ng mga proyekto ng "Belt and Road" Initiative.
Salin: Liu Kai