Ipinahayag Pebrero 13, 2017 ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na tinututulan ng Tsina ang paglunsad kamakailan ng Hilagang Korea ng ballistic missile. Ito aniya'y labag sa mga may-kinalamang resolusyon ng United Nations Security Council (UNSC). Umaasa aniya siyang magtitimpi ang ibat-ibang panig para magkasamang pangalagaan ang katatagan ng rehiyon.
Winika ito ng tagapagsalitang Tsino bilang tugon sa isinagawang paglunsad ng H.Korea ng long to medium range ballistic missile, noong Pebrero 12, 2017.
Ayon pa sa ulat, kasalukuyang hinahangad ng Amerika at Hapon ang pagdaraos ng pangkagipitang pulong ng UNSC bilang tugon sa pangyayaring ito.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Geng na bilang Pirmihang Miyembro ng UNSC, ipagpapatuloy ng Tsina ang responsable at konstruktibong paninindigan sa usaping ito.