Miyerkules, ika-15 ng Pebrero, 2017, sinabi ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na may di-mapapabulaanang soberanya ang Tsina sa mga pulo sa South China Sea at nakapaligid na rehiyong pandagat. Iginagalang at pinangangalagaan aniya ng panig Tsino ang kalayaan ng paglalayag at paglilipad ng iba't ibang bansa sa South China Sea, batay sa pandaigdigang batas, pero buong tatag na tinututulan nito ang pagsira ng anumang bansa sa soberanya at katiwasayan ng Tsina, sa ngalan ng kalayaan ng paglalayag at paglilipad.
Kamakailan, may ulat ang nagsasabing binabalak na ipadala ng hukbong pandagat ng Amerika ng aircraft carrier na USS Carl Vinson sa nasabing karagatan para isagawa ang aksyon ng pangangalaga sa kalayaan ng paglalayag, at posible itong pumasok sa rehiyong pandagat sa paligid ng mga pulo at batuhan ng Tsina sa South China Sea. Kaugnay nito, sinabi ni Geng na sa kasalukuyan, sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansang ASEAN, umuunlad ang kalagayan ng nasabing karagatan, tungo sa matatag at positibong direksyon. Umaasa aniya ang panig Tsino na igagalang ng mga bansa sa labas ng rehiyon ang pagsisikap ng Tsina at ASEAN, at magkasamang mapapangalagaan at mapapatibay ang nasabing positibong tunguhin.
Salin: Vera