Manila, Miyerkules, Pebrero 22, 2017—Ipinatalastas dito ni Deng Jun, Country Head ng Bank of China (BOC) sa Manila, na idaraos ng BOC sa Manila sa ika-18 ng Marso ang perya ng transnasyonal na pamumuhunan at kalakalan ng mga small and medium Enterprises (SMEs) ng Tsina at Pilipinas. Aniya, ang nasabing pulong ay naglalayong lumikha ng pagkakataon para sa kooperasyon ng mga SMEs ng dalawang bansa.
Winika ito ni Deng sa media briefing ng Department of Trade and Industry (DTI), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), at Sangay ng International Chamber of Commerce sa Pilipinas.
Isinalaysay ni Deng na sa pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina noong nagdaang Oktubre, bumisita siya sa punong himpilan ng Bank of China sa Beijing. Sa kanyang pagsaksi, magkasamang nilagdaan ng BOC, DTI, PCCI at Sangay ng International Chamber of Commerce ang kasunduan hinggil sa pagpapasulong sa transnasyonal na kalakalan at estratehikong kooperasyon sa pamumuhunan ng mga SMEs ng Tsina at Pilipinas. Aniya, upang ipatupad ang kasunduang ito, ihahandog ng kanyang bangko ang nasabing perya. Ito ay makakatulong sa pagpapasulong sa komong kaunlaran ng mga SMEs ng dalawang bansa, dagdag pa ni Deng.
Salin: Vera