NAGSUMITE ng 40 maliliit at malalaking proyekto upang matustusan ng Tsina sa pamamagitan ng pautang at tulong sa paggawa ng feasibility studies. Ito ang ginawa ng delegasyong pinamunuan ni Finance Secretary Carlos Dominguez na dumalaw sa Beijing. Magpapatuloy ang pag-uusap sa Maynila sa Pebrero.
Maganda umano ang pulong na magpapatibay sa mga kasunduang nakamtan sa pagdalaw ni Pangulong Duterte sa Beijing noong Oktubre. May 40 mga proyekto, 15 ang ipinanukala para sa loan financing samantalang ang 25 iba pa ang isinumite para sa tulong sa paggawa ng feasibility studies.
Kasama ni G. Dominguez ang limang kalihim ng iba't ibang kagawaran sa ilalim ng Duterte administration. Sa panayam na ibinigay sa mga mamamahayag na Tsino, sinabi ni G. Dominguez na ang mga proyektong napag-usapan ay maipatutupad kagaad upang pakinabangan ng mga mamamayan ng Tsina at Pilipinas.
Ang tatlong proyekto ay nagkakahalaga ng US$ 3.4 bilyon ay kinabibilangan ng Chico River Pump Irrigation project sa Cagayan at Kalinga na magkakahalaga ng US$ 53.6 milyon, ang New Centennial Water Source – Kaliwa Dam Project sa Quezon na nagkakahalaga ng US$ 374.03 milyon at ang South Line ng North-South Railway mula Maynila hanggang Legazpi City na nagkakahalaga ng US$ 3.01 bilyon.
Nakatakda ring maglagay ng mga tulay sa Pasig River upang maibsan ang tindi ng traffic sa Metro Manila.