Kaugnay ng pagpapatrolya ng aircraft carrier USS Carl Vinson sa South China Sea mula noong Pebrero 18, 2017, na naging unang pamamatrolya ng American aircraft carrier sa karagatang ito sapul nang umakyat sa poder si Pangulong Donald Trump ng Amerika, ipinahayag nitong Huwebes, Pebrero 23, 2017, ni Ren Guoqiang, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, ang pag-asa ng panig Tsino na totohanang igalang ng panig Amerikano ang soberanya at pagkabahala sa seguridad ng mga bansa sa rehiyong ito, at totohanang igalang ang ginagawang pagsisikap ng mga bansa sa rehiyong ito upang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea. Aniya, iginagalang ng Tsina ang kalayaan ng iba't-ibang bansa sa paglalayag at paglipad sa karagatang ito alinsunod sa pandaigdigang batas.
Dagdag pa niya, ang malusog at matatag na relasyon ng dalawang hukbo ng Tsina at Amerika ay hindi lamang angkop sa pundamental na kapakanan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan, kundi nakakabuti sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong Asya-Pasipiko at buong daigdig.
Salin: Li Feng