Sinabi kahapon, Lunes, ika-6 ng Pebrero 2017, sa Beijing ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa ilalim ng magkakasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansa sa paligid ng South China Sea, kontrolado ngayon ang mga hidwaan sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian ng mga direktang may kinalamang panig, at mabuting napapangalagaan ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations ang kapayapaan, katiwasayan, at katatagan sa karagatang ito.
Winika ito ni Lu bilang tugon sa pananalita ni James Mattis, Kalihim ng Depensa ng Amerika, kaugnay ng isyu ng South China Sea, sa kanyang pagdalaw kamakailan sa Hapon. Ayon kay Mattis, ipinalalagay ng panig Amerikano na sa kasalukuyan, hindi kailangang isagawa ang malawakang pagmomobilisa ng hukbo sa South China Sea. Pero, sinabi rin ni Mattis, na ang mga may kinalamang aksyon ng Tsina sa karagatang ito ay nakakapinsala sa pagtitiwalaan ng mga bansa sa rehiyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Lu, na ang kasalukuyang normal na kalagayan sa South China Sea ay angkop sa komong interes ng lahat ng mga bansa sa rehiyong ito. Umaasa aniya siyang igagalang ng mga bansa sa labas ng rehiyon ang komong interes at komong hangarin ng mga bansa sa loob ng rehiyon.
Salin: Liu Kai