HINDI nararapat talikdan na lamang ang peace talks sa mga maka-kaliwang grupo. Ito ang panawagan ng Federation of Free Workers kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdiriwang ng ika-31 anibersaryo ng EDSA Revolution, nanawagan ang FFW na suriing muli ang kanyang desisyong kanselahin ang pakikipag-usap sa National Democratic Front.
Ani Atty. Sonny Matula, pangulo ng FFW, si Pangulong Duterte ang pinuno ng bansang makagagawa ng kakaiba para sa bansa sa matagumpay na pagharap sa mga hamon sa lipunan at pamahalaan.
Ang FFW ang isa sa maraming grupong sumuporta sa People Power Revolution noong 1986 na nagbalik ng demokrasya sa bansa. Hindi kailanman magkakaroon ng kapayapaan kung titigil ang pamahalaan sa pakikipag-usap sa mga kabilang sa Communist Party of the Philippines/New People's Army/National Democratic Front.