|
||||||||
|
||
INUTUSAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na habulin ang lahat ng mga tauhan ng New People's Army.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang kautusan matapos tambangan ng mga gerilya ang ilang mga pulis sa Davao del Sur na ikinasawi ng apat na tauhan at ikinasugat ng isa.
Wala pa naman umanong peace talks kaya't papayagan niya ang mga pulis at mga kawal na gamitin ang lahat ng magagamit upang maglunsad ng operasyon laban sa New People's Army. Gagamitan na umano ng mga eroplano at mga kanyon. Pasensya na lamang umano ang mga mapapagitna sa mga labanan.
Sa halip umanong magalit sa mga Komunista, naaawa siya sapagkat handa ang pamahalaang makidigma sa susunod na 50 taon at hindi naman papayagan ng mga mamamayang maghari ang mga ito.
Napatibong umano ang mga pulis sapagkat sinabi ng mga NPA na mayroong pinatay sa Bansalan, Davao del Sur kaya't nagtungo ang mga tauhan ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO). Sa pagdating ng mga tauhan ng SOCO, tinambangan na sila ng mga gerilya.
Kaninang umaga, sinabi pa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na umalis na kagabi si Presidential (Peace) Adviser Jesus Dureza, ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon at si Vicente Ladlad upang magkaroon ng back-chanelling sa Europa upang ituloy ang peace talks.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |