SI Foreign Affairs Undersecretary Enrique Manalo ang pinili ng Malacanang na maging pansalamantalang Foreign Affairs Secretary, kapalit ni Atty. Perfecto R. Yasay, Jr. na tinanggihan ng Commission on Appointments kahapon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, si Undersecretary Manalo ang napisil ni Pangulong Duterte na Acting Foreign Secretary.
Mananatili siya sa posisyon hanggang sa humirang ng bagong kalihim ng Ugnayang Panglabas.
Animnapu't apat na taong gulang na si G. Manalo na ikinatuwa naman ng mga kawani ng kagawaran ayon kay Assistant Secretary Charles Jose na siya ring tagapagsalita ng kagawaran.
Naglingkod na siya bilang Philippine Ambassador to the United Kingdom mula Oktubre 2011 hanggang Marso 2016 bago siya hinirang na manungkulan sa dati niyang puesto bilang Undersecretary for Policy noong Abril ng 2016. Dati na niya itong posisyon mula Agosto 2007 hanggang Pebrero ng 2010.