PINAWI ni Defense Secretary Delfin N. Lorenzana ang pangamba ng ilang mga mamamayang Filipino na nakaalis na ng bansa si Marine Corporal Joseph Scott Pemberton, ang Americanong nahatulan sa pagpatay kay Jennifer Laude, ang transgender sa Olongapo City noong Oktubre 2014.
Sa isang open forum matapos ang kanyang talumpati sa National Defense College of the Philippines, sinabi ni Secretary Lorenzana na bagama't hindi pa niya nakikita ng personal si Pemberton, nakita siya ng kanyang mga tauhan na nagpapa-araw.
Ipinaliwanag ni Secretary Lorenzana na magkatabi lamang ang kanilang compound at nananatili si Pemberton sa containerized van sa tapat ng driving range sa loong ng Campo Aguinaldo.
Magugunitang nahatulan si Pemberton na mabilanggo ng mula anim hanggang 12 taon at mas mababa ito sa inaasahang parusa mula 20 hanggang 40 taon.