Idinaos kamakailan sa Manila ang seremonya ng pagsisimula ng "taon ng kooperasyong panturismo ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)." Kaugnay nito, ipinahayag ng Pambansang Administrasyon ng Turismo ng Tsina, na ito ay palatandaang pumasok sa bagong yugto ng pag-unlad ang kooperasyong panturismo ng Tsina at ASEAN, at ang turismo ay magiging bagong tampok ng kooperasyong Sino-ASEAN.
Ayon sa naturang administrasyon, ang Tsina at mga bansang ASEAN ay mahalagang pinanggagalingan ng turista at destinasyon ng paglalakbay ng isa't isa. Anito, sa ilalim ng taon ng kooperasyong panturismo, palalakasin ng Tsina at iba't ibang bansang ASEAN ang pagpapalitan at pagtutulungan sa turimo. Ito ay makakabuti sa paglaki ng kabuhayan ng iba't ibang bansa, pagpapahigpit ng pagpapalagayang pangkaibigan, at pagpapasulong ng komong kasaganaan at kaunlaran sa rehiyong ito.
Ayon naman sa inisyal na plano, sa panahon ng taon ng kooperasyong panturismo, idaraos ang mga aktibidad, na gaya ng promosyon ng "ice and snow tour" sa Tsina, porum sa turismo ng Greater Mekong Subregion, eksibisyon ng turismo ng China-ASEAN Expo, at iba pa.
Salin: Liu Kai