Idinaos kahapon, Martes, ika-21 ng Marso 2017, sa Beijing, ng Ministring Panlabas ng Tsina ang news briefing hinggil sa opisyal na pagdalaw ni Premyer Li Keqiang sa Australya at New Zealand.
Isinalaysay ni Pangalawang Ministrong Panlabas Zheng Zeguang, na sisimulan ang biyaheng ito sa ika-22 ng buwang ito, at matatapos sa ika-29. Aniya, sa panahon ng pagdalaw, makikipag-usap si Premyer Li sa mga lider ng Australya at New Zealand, hinggil sa pagpapalakas ng pagtitiwalaang pulitikal, pagpapalawak ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, pagpapataas ng lebel ng pagpapalitan, pagpapasulong ng komprehensibo at estratehikong partnership ng Tsina sa naturang dalawang bansa, at pagdulot ng benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan.
Dagdag ni Zheng, sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan ng mahinang pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig at lumalalang proteksyonismo, umaasa rin ang panig Tsino, na sa pamamagitan ng pagdalaw na ito, ipararating sa Asya-Pasipiko at daigdig ang signal hinggil sa pagpapasulong ng kalayaan ng kalakalan at pamumuhunan, at pangangalaga sa kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng rehiyong ito.
Salin: Liu Kai