Ipinahayag sa Beijing nitong Huwebes, Marso 23, 2017, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa kasalukuyan, bumubuti ang situwasyon sa South China Sea. Nakahanda aniya ang panig Tsino na magsikap kasama ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), para aktibong mapasulong ang proseso ng pagsasanggunian tungkol sa "Code of Conduct in the South China Sea (COC)."
Ayon sa ulat, sa pag-uusap kamakailan nina Punong Ministro Prayut Chan-ocha ng Thailand at Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas, ipinag-diinan nila ang kahalagahan ng komprehensibo at mabisang pagpapatupad ng "Declaration on the Conduct of the Parties in the South China Sea (DOC)." Ipinangako din nilang buong sikap na isulong ang pagsasakatuparan ng COC framework. Kaugnay nito, ipinahayag ni Hua na sa ilalim ng magkakasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansang ASEAN, nakabalik na sa tumpak na landas ang iba't-ibang kaukulang panig sa paglutas sa hidwaan sa pamamagitan ng talastasan.
Salin: Li Feng