|
||||||||
|
||
Mula sa kaliwa: James Sy, Niel Ballesteros, at Maricon Ebron
Beijing, Tsina--Sa pangunguna ng Department of Tourism (DoT)– Beijing Office at Tourism Promotions Board (TPB), idinaos Marso 28, 2017 sa Hilton Hotel Beijing ang Philippine Tourism Presentation and Table-top Meetings upang i-promote ang turismo ng Pilipinas sa Tsina at palakasin ang pagtutulungan at pag-uugnayan ng mga tourism operators ng kapwa panig.
Niel P. Ballesteros, Tourism Attaché ng Pilipinas sa Tsina
Sa eksklusibong panayam sa Serbisyo Filipino ng China Radio International (CRI), ipinahayag ni Niel P. Ballesteros, Tourism Attaché ng Pilipinas sa Tsina, na ang target ngayon ng DoT ay tumanggap ng 1 milyong turistang Tsino at ito ay isang target na kayang-kayang abutin.
Ngunit, idinagdag ni Ballesteros, na ayon sa China National Tourism Administration (CNTA), lubhang maliit ang 1 milyon, at iminungkahi nitong itaas sa 2 milyong turistang Tsino ang target ngayong taon.
Ani Ballesteros, ibinibigay ng panig Tsino ang buo at matatag na suporta sa Pilipinas upang maisakatuparan ang layuning ito.
Aniya, kabilang sa mga insentibong alok ng Pilipinas sa mga turistang Tsino ay resepsyon sa paliparan, hapunan bilang pagtanggap, ibat-ibang regalo, palabas at pagtatanghal, etc.
Bukod pa riyan, mayroon na rin aniyang plano ang Pilipinas upang magtayo ng outsourcing office sa mga malalaking lunsod ng Tsina para mapabilis at maging episyente ang pagbibigay ng VISA para sa mga Tsino.
Dagdag pa niya, pinaplano na rin ang pagpapahaba ng validity ng VISA para sa mga Tsino, pagbibigay ng VISA-on-Arrival, at No VISA Policy para sa mga Tsinong gustong magbakasyon sa Pilipinas.
Sa kabilang dako, kung ang isang Tsino ay may balidong VISA mula sa Amerika, Japan, Australia, Canada, at mga bansang Europeo (Schengen), hindi na niya kailangang kumuha ng VISA mula sa Pilipinas, at maari siyang manatili sa bansa, sa loob ng isang linggo, ani Ballesteros.
At upang lalo pang mapaigi ang serbisyo para sa mga turistang Tsino, sinabi niyang sa malapit na hinaharap, malaki ang posibilidad na magkaroon na rin ng serbisyo ng WE CHAT PAY at ALIPAY sa Pilipinas.
James Sy, Head of Asia-Pacific Division, International Promotions Department ng TPB
Sa panayam naman ng Serbisyo Filipino kay James Sy, Head of Asia-Pacific Division, International Promotions Department ng TPB, sinabi niyang plano ngayon ng Philippine Airlines na gawing araw-araw ang lipad ng mga eroplano mula Beijing patungong Manila.
Bukod pa riyan, plano rin ng Xiamen Airlines na gumawa ng 2 lipad kada linggo mula lunsod ng Chengdu, probinsyang Sichuan patungong Cebu.
Sa kabilang dako, kung magiging maganda ang resulta ng kasalukuyang 1 chartered flight kada linggo ng Shandong Airlines, sa linyang probinsyang Shandong ng Tsina-Busan, Timog Korea-Manila, gagawin na itong isang regular na linya, dagdag ni Sy.
Bukod sa mga nabanggit, sinabi niyang mayroon nang mga direct flights papuntang Manila mula sa ibat-ibang dako ng Tsina; at ilan sa mga ito ay:
Jinjiang, Fujian-Manila
Beijing-Manila
Shanghai-Manila
Chongqing-Manila
Samantala inihahanda na ring maging regular na linya ang lipad na Hangzhou-Manila, dagdag ni Sy.
Reporter: Rhio at Sissi
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |