|
||||||||
|
||
Maricon B. Ebron, Manager of International Promotions Department ng Tourism Promotions Board
"Malaki ang pag-asang ma-u-ungusan ng Tsina ang Timog Korea bilang pangunahing pinanggagalingan ng turista ng Pilipinas," ito ang ipinahayag kagabi sa isang press briefing sa Beijing ni Maricon B. Ebron, Manager of International Promotions Department ng Tourism Promotions Board (TPB).
Aniya, seryoso ang Pilipinas na tanggapin at bigyan ng ka-aya-aya at di-malilimutang karanasan ang mga turistang Tsino sa kanilang pagdalaw sa Pilipinas.
Sa ngayon, nakikipagtulungan aniya ang TPB at Department of Tourism (DoT) sa China National Tourism Administration (CNTA) at iba pang ahensiya ng pamahalaang Tsino upang magkaroon ng sapat na lipad ng eroplano mula Tsina patungong Pilipinas; magkasamang promosyon; taktikal na anunsyo; consumer activation; at pagpapalaganap ng mga napapanahong brochures at ilan pang babasahin.
Aniya pa, tinutulungan din ng Tsina ang Pilipinas sa pagtatayo ng mga dekalidad na imprastruktura at pasilidad para sa lalo pang ikakabubuti ng pagbisita ng mga Tsino sa Pilipinas.
Pinag-iisipan ng TPB na magkaroon ng kolaborasyon ang mga prodyuser ng pelikula ng kapuwa bansa upang magkaroon ng pagpapalitang pangkultura at ipakilala ang turismo ng kapuwa bansa sa isat-isa, ayon kay Ebron.
Aniya, naiiba sa lahat ng bansa sa Asya ang Pilipinas dahil sa taglay nitong kultura, na perpektong halo ng silangan at kanluran.
Kapag nasa Pilipinas, mararamdaman at makikita aniya ang kultura ng Espanya, Amerika, Tsina, Hapon, at siyempre ang orihinal na kulturang Malayo.
Pero, ang pinaka-natatangi sa Pilipinas ay ang mga mamamayan nito: ang natatanging ngiti, mainit na pagtanggap sa mga bisita, at pagturing sa mga bisita bilang kapamilya ay ang mga karakteristikong pinaka-katangi-tangi sa mga Pilipino at hindi makikita saan mang dako ng mundo, ani Ebron.
Kaya, naman, nararapat at napapanahon aniya ang bagong islogan ng DoT na "When You're with Filipinos, You're with Family."
Ipinaabot ni Ebron ang taos-pusong pasasalamat sa pamahalaan at mga mamamayang Tsino sa malaking tulong na ibinibigay nila para sa pagtatayo ng ibat-ibang impratrukturang panturismo at promosyon ng Pilipinas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |