Idinaos ngayong araw, Biyernes, ika-31 ng Marso 2017, sa Beijing, ng Ministring Panlabas ng Tsina ang preskon hinggil sa gagawing biyahe ni Pangulong Xi Jinping sa Finland at Amerika.
Ayon sa ulat, mula ika-4 hanggang ika-6 ng susunod na buwan, gagawin ni Xi ang dalaw-pang-estado sa Finland, at ito ay magiging kanyang unang pagdalaw sa bansang ito bilang pangulong Tsino. Tatalakayin ni Xi at mga lider ng Finland ang relasyon ng dalawang bansa, at gagawin nila ang plano ng pagpapaunlad ng relasyong ito sa hinaharap. Lalagdaan din ng dalawang panig ang mga dokumentong pangkooperasyon.
Mula naman ika-6 hanggang ika-7, pupunta si Xi sa Mar-a-Lago, Florida State ng Amerika, para makipagtagpo kay Pangulong Donald Trump. Ito ang magiging unang pagtatagpo ng dalawang pangulo, sapul nang umakyat sa tungkulin ang bagong administrasyong Amerikano. Itatakda nila ang direksyon ng pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Amerika. Mahalaga ito para sa malusog at matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, at kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng Asya-Pasipiko at buong daigdig.
Salin: Liu Kai