Sinabi kahapon, Sabado, ika-8 ng Abril 2017, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na matagumpay at mabunga ang katatapos na biyahe ni Pangulong Xi Jinping sa Finland at Amerika.
Sinabi ni Wang, na sa pagdalaw sa Finland, nakipagtagpo si Pangulong Xi sa mga lider ng bansang ito, at ipinatalastas ng dalawang panig ang pagtatatag ng bagong kooperatibong partnership na nakatuon sa kinabukasan. Ito aniya ang makakatulong sa pagpapatuloy ng tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina at Finland, at pagpapasulong ng relasyon at kooperasyon ng dalawang bansa sa bagong antas.
Sa Amerika naman, sinabi ni Wang, na nagkaroon ng ilang pag-uusap sina Pangulong Xi at Pangulong Donald Trump ng Amerika. Sa pamamagitan ng mga ito aniya, pinalalim ng dalawang lider ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan, nilinaw ang direksyon ng pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano, itinakda ang mga priyoridad na aspekto ng kooperasyon ng dalawang bansa, at pinalakas ang koordinasyon hinggil sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Dagdag pa ni Wang, sa panahon ng naturang biyahe, inilahad din ni Pangulong Xi ang ideya ng Tsina sa pag-unlad, at ipinahayag niya ang kahandaan ng Tsina na makipag-ambag sa pag-unlad ng buong daigdig. Ipinangako rin niyang pananatilihin ng Tsina ang sustenable at malusog na pag-unlad ng kabuhayan, para lumikha ng mas maraming pagkakataon, at magdulot ng mas malaking kapakinabangan sa iba't ibang bansa ng daigdig.
Salin: Liu Kai