Sa Secretariat ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN),Jakarta, Indonesya, idinaos Lunes, Abril 10, 2017, ang ika-18 Pulong ng China - ASEAN Joint Cooperation Committee. At sinabi ni Tan Hung Seng, Pirmihang Kinatawan ng Singapore sa ASEAN na malalim ang ugnayan ng mga interes ng ASEAN at Tsina, at dapat pahigpitin ng ASEAN ang pakikipagtutulungan sa Tsina.
Ang Singapore ay bansang tagakoordina ng relasyon ng ASEAN at Tsina, at ang nasabing pulong ay magkasamang pinanguluhan nina Tan Hung Seng at Xu Bu, Embahador ng Tsina sa ASEAN. Dumalo sa pulong ang mga pirmihang kinatawan ng 10 bansang ASEAN, mga opisyal ng ASEAN Secretariat, at mga kinatawan ng Ministri ng Ugnayang Panlabas at Kawanihan ng Turismo ng Tsina.
Pinapurihan ng mga kinatawan ng ASEAN ang mga bunga ng kooperasyon ng Tsina at ASEAN sa iba't ibang larangan, at laging pagkatig ng Tsina sa pag-unlad ng ASEAN at pagtatatag ng Komunidad ng ASEAN.
Ipinahayag din ni Tan na inaasahan ng ASEAN na pasusulungin ang talastasan hinggil sa Regional Comprehensive Economic Partnership(RCEP) sa Tsina at iba pang bansa.
salin:Lele