Nang kapanayamin kamakailan ng China Radio International, sinabi ni Xu Genluo, Presidente ng Thai-Chinese Rayong Industrial Zone, na salamat sa "Belt and Road" Initiative na iniharap ng Tsina, mabilis na umuunlad ngayon ang naturang sonang industriyal na may mahigit 10 taong kasaysayan.
Ayon kay Xu, sapul nang iharap ang "Belt and Road" Initiative noong 2013, ibayo pang lumalakas ang kooperasyon ng Tsina at Thailand sa kalakalan at pamumuhunan. Dahil dito aniya, mula taon ding iyon hanggang 2015, itinayo ng mas maraming bahay-kalakal na Tsino ang mga pabrika sa Rayong Industrial Zone, at ang bilang ng mga bagong naitayong pabrika ay katumbas ng sangkatlo ng kabuuang bilang ng mga pabrikang naitayo nitong mahigit 10 taong nakalipas. Aniya pa, ang halaga ng pamumuhunan at halaga ng output ng mga pabrika ay kapwa rin nakaabot sa kalahati ng kabuuang halaga nitong mahigit 10 taong nakalipas.
Isinalaysay din ni Xu, na sa kasalukuyan, ginagawa ang ikatlong yugto ng konstruksyon ng Rayong Industrial Zone. Ito aniya ay aabot sa 300 bagong pabrika at lilikha ng 100 libong hanapbuhay sa Thailand.
Ipinahayag naman ng pamahalaang Thai ang pag-asang palalakasin ang kooperasyong Thai-Tsino sa loob ng balangkas ng "Belt and Road" Initiative. Sinabi ni Kobsak Pootrakool, Pangalawang Ministro ng Tanggapan ng Punong Ministro ng Thailand, na bilang isang pangunahing proyekto sa ilalim ng naturang initiative, sisimulan sa taong ito ang konstruksyon ng Thailand-China High Speed Railway. Umaasa rin aniya siyang mamumuhunan sa Thailand ang mas maraming bahay-kalakal na Tsino, para pasulungin ang paglilipat sa Thailand ng mga modernong teknolohiya.
Salin: Liu Kai