Sa ngalan ng mga BRICS country na kinabibilangan ng Brazil, Rusya, Indya, Tsina, at Timog Aprika, bumigkas ng talumpati kahapon, Martes, ika-18 ng Abril 2017, sa United Nations General Assembly, si Liu Jieyi, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, hinggil sa isyu ng pangangalap ng pondo para sa 2030 Agenda for Sustainable Development.
Sinabi ni Liu, na ang pangangalaga ng pondo ay mahalaga para sa pagsasakatuparan ng naturang usapin. Iminungkahi niyang isabalikat ng mga maunlad na bansa ang pangunahing tungkulin sa pangangalap ng pondo, at bigyang-priyoridad ang paglutas sa pangangailangan ng mga umuunlad na bansa sa pondo. Dapat din aniyang lumikha ng magandang kapaligirang pandaigdig para sa pag-unlad ng iba't ibang bansa, sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kapaligiran para sa pandaigdig na kalakalan at pamumuhunan, at pagpapabilis ng reporma sa pandaigdig na sistemang pinansyal.
Ipinahayag din ni Liu ang kahandaan ng mga BRICS country, na patuloy na patingkarin ang positibong papel, para pasulungin ang kooperasyong pandaigdig sa pangangalap ng pondo para sa 2030 Agenda for Sustainable Development.
Salin: Liu Kai