Idinaos kamakalawa, Sabado, ika-29 ng Abril 2017, sa Mandalay, Myanmar, ang roundtable meeting ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Myanmar at mga kinatawan mula sa iba't ibang sektor ng lokalidad. Layon nitong palakasin ang pag-uunawaan at pagtutulungan ng dalawang panig.
Lumahok sa pulong ang China National Petroleum Corporation Southeast Asia Pipeline Company Limited, at isinalaysay ni Jiang Changliang, General Manager ng kompanyang ito, ang hinggil sa pakinabang na pangkabuhayan, mga pasilidad na pangkaligtasan, mga hakbangin ng pangangalaga sa kapaligiran, paraan ng pangangasiwa, at mga isinagawang aktibidad sa kagalingang pampubliko ng kanyang kompanya.
Sinabi naman sa pulong ni Wang Zongying, Konsul Heneral ng Tsina sa Mandalay, na maganda sa kasalukuyan ang takbo ng mga proyektong pangkooperasyon ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Myanmar sa iba't ibang aspekto, na gaya ng enerhiya, pagmimina, materyal na pangkonstruksyon, at iba pa. Ang mga ito aniya ay gumaganap ng mahalagang papel para sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng Myanmar.
Salin: Liu Kai