Yokohama, Hapon — Ginanap nitong Biyernes, Mayo 5, 2017, ang Ika-20 Pulong ng mga Ministrong Pinansiyal at Puno ng Bangko Sentral ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Tsina, Hapon, at Timog Korea. Tinalakay ng mga kalahok ang tungkol sa, pangunahin na, kalagayan ng makro-ekonomiya sa rehiyon at buong daigdig, kooperasyong pinansiyal sa 10+3 region, at iba pang tema.
Ipinalalagay ng mga kalahok na ngayo'y bumubuti ang kabuhayang pandaigdig, at patuloy na nananatiling mabilis ang paglaki ng kabuhayan sa 10+3 region. Ngunit umiiral pa rin ang mga panganib ng pagbaba ng kabuhayan nito. Inulit din nila ang pagkatig sa bukas at makatwirang multilateral na sistemang pangkalakalan at pampamumuhunan.
Dumalo sa pulong ang delegasyong Tsino na pinamumunuan ng Pangalawang Ministrong Pinansiyal na si Shi Yaobin. Tinukoy niya na upang harapin ang mga hamon sa kabuhayang panrehiyon, dapat magkakasamang umaksyon ang iba't-ibang panig sa susunod na tatlong aspekto: una, dapat patuloy na palalimin ang reporma sa estruktura; ikalawa, dapat palakasin ang pamumuhunan sa imprastruktura at konektibidad sa rehiyong ito, at buong tatag na pangalagaan ang multilateral na sistemang pangkalakalan; ikatlo, dapat patuloy na palakasin ang konstruksyon ng regional financial security upang mabisang mapigilan ang mga financial risk.
Salin: Li Feng